Tuesday, August 16, 2005

Lindol sa Japan

Masasabi nga natin na ang Japan ang mayroong pinaka madalas at pinaka-maraming lindol na naitala sa ating kasaysayan. Dahil ito sa apat na "tectonic plates" na nag bubungguan na nagiging sanhi ng lindol. Ang mga "plate tectonics" rin na ito ang naging dahilan kung bakit napakaraming bulkan sa buong kahabaan ng bansang ito.

Hindi na nga kakaiba para sa mga hapon at sa mga dayuhang katulad ko ang maranasan ang lindol dito sa Japan. Sa katunayan nga, tatlong oras lang ang nakakaraan ay may malakas na lindol kaming naranasan. May kalayuan ang sentro ng lindol ngunit ramdam na ramdam pa rin namin dito sa Tokyo.

Noong taong 1995, niyanig ang Kobe ng isang napakalakas na lindol na nagdulot ng malaking pinsala at naging dahilan ng paglaho ng napakaraming buhay. Noon isang taon,Oktubre 25, ang lugar ng Niigata naman ang niyanig ng napakalakas na lindol. Kaunti lang ang naitalang napinsala sa lugar na ito. Noong isang buwan, July 23, nagtala ang Tokyo ng pinakamalakas na lindol sa loob ng halos dalawang dekada. At kanina nga, sa Miyagi naman ang sentro lindol.

Isang napaka-lakas na lindol ang pinangangambahan na mangyayari dito sa Tokyo. Ayon sa mga masusing pananaliksik, ito ay may lakas na maihahalintulad sa lindol na naganap sa Tokyo isang daang taon na ang nakakaraan, kung saan daang libong buhay ang naglaho.

Sa kabila ng pangunguna ng bansang Hapon pagdating sa mga makabagong teknolohiya, wala pa ring sapat na paraan upang malaman ang eksaktong oras kung kailan darating ang isang malakas na lindol. Kaya nga ibayong paghahanda ang ginagawa ng gobyerno para mabawasan ang pinsalang idudulot kung sakali mang dumating ang pinangangambahang lindol na ito.

Friday, August 05, 2005

Mount Fuji


MtFuji Posted by Picasa

Haay! parang kailan lang mag-iisang taon na pala ang larawan na ito. Kung ibang tao ang titingin di iisiping kuha pala ito sa tuktok ng Mount Fuji. Napakasaya nga ang araw na iyon at sa tingin ko ay isa sa pinaka-masasayang karanasan ko sa aking papamamalagi sa Japan.

Dalawang beses na akong naka-akyat sa Mount Fuji. Una, noong August 10, 2001 at pangalawa noong isang taon, August 13, 2004.

Noong una naming pag-akyat, dahil kadarating pa lang namin sa Japan, para lang kaming nagkayayaan na pumunta sa Megamall. Walang paghahanda, sugod kaagad. Siyempre, dahil bihira lang mangyayari sa buhay ko ang ganito karanasan, una kong hinanda ang aking kamera. Nagdala rin akong video camera at video stand, mga pagkain at kung ilang litrong inumin. Suma-total, mahigit sampung kilo yata ang timbang ng bag ko. Wala ring pinag-iba ang timbang ng bag ng mga kasama ko. May iba nga na mas mabigat pa sa akin.

Pumunta na kami sa istasyon ng bus papuntang "ika-limang istasyon", ang lugar kung saan kami maguumpisang maglakad. Ang saya-saya, sabik na sabik na ang lahat. Pagdating namin doon, nagpalit ng damit, bumili ng tungkod, nanalangin at nagsimula ng umakyat.

Noong umpisa, maliksing maliksi ang lahat, nag-kwekwentuhan, nagtatawanan.. madali lang kasi. Hindi pa umaabot sa ika-anim na istasyon, unti-unti na tumatahamik ang bawat isa.... unti unti ng nawawalan ng sigla... hingal dito... hingal doon..., hinto lang sandali dahil ang sakit na sa paa.. pero sige tuloy pa.

"Malayo pa ba ang istasyon?" tanong ng isa. "Nakita mo yung ilaw na yun? doon ang susunod na istasyon". Haay... malayo pa nga dahil maliit pa sa ilaw ng alitaptap ang ilaw na tinuturo niya. Di ko na yata kaya, ngunit wala ng urungan ito dahil nasa ika-walong istasyon pa yung daan pababa.

Sa wakas, nakarating na kami sa ika-anim na istasyon... pero ang layo pa ng aakyatin namin. Ayoko na yata.. nahihilo na ako. Buti na lang tinulungan ako ng isa kong kasama na buhatin yung video camera ko, malaking kaalwanan iyon para sa akin. Di pa nag li-limang minuto, binigyan na kami ng hudyat ng lider namin na kailangan na naming mag patuloy, kung hindi, hindi namin maaabutan ang bukang liwayway sa tuktok.

Habang nagpapatuloy ako sa paglalakad, nag umpisa na akong magtanong sa aking sarili. "Bakit ko ba ito ginagawa?", "Ano ba ang gusto kong patunayan?". Hirap na hirap na ako, ganun din ang ilan sa mga kasama ko. Dumating na kami sa ika-pitong istasyon. Ang daming tao, ang hirap humanap ng bakanteng bangko. Naka-hanap ako ng upuan sa tabi ng isang grupo ng mga Haponesa. Sa aking pagkagulat, inalok ako nung katabi ko ng tsokolate. Tinanggap ko at nagpasalamat sa kanya. Kinain ko habang nagpapahinga. At nakarinig na naman ako ng hudyat na magpapatuloy na kami.

Sa hindi inaasahang pangyayari, nag-iba na ang aking pakiramdam. Nawala na ang aking hilo at unti -unting nanumbalik ang aking lakas. May "magic" kaya yung tsokolateng bigay nung babae? Tanong ko sa aking sarili. Lingid pala sa aking kaalaman dapat nating kumain ng matatamis sa mga ganitong pagkakataon. Dahil dito, madali ko ng tinahak ang daan papunta sa ika-walong istasyon. Ngunit dito na namin inabot ang bukang liwayway.

Pagod na pagod na kami. Dalawang oras pa ang gugugulin para makarating sa tuktok. Baka kulangin na kami ng oras pababa at di na namin maabutan ang bus pabalik ng Tokyo. Nag desisyon na kami di na lamang tutuloy sa tuktok dahil sapat na ang naranasan namin hanggang ika-walong istasyon. Yung ibang mga kasama namin ay tumuloy pa rin ngunit mas nakararami kaming nagpasya ng bumaba. Hindi na siya ganoon kahirap, ngunit napakasakit sa paa. Maluwalhati kaming nakabalik sa istasyon ng bus at patuloy na nga kaming tumungo pabalik ng Tokyo.

Nagdaan ang panahon... umuwi na ako sa Pilipinas at nakabalik na muli sa Japan. Sa mga panahong ito, may naiwang tanong sa aking isipan. Ano kaya kung itinuloy ko hanggang sa tuktok, may iba kayang kaligayahan akong nadama?

Hanggang dumating ang sumunod na pagkakataon.. nagkayayaan na naman kaming magkakaibigan. Iba na halos ang aking mga kasama, dahil karamihan sa mga dati kong nakasama ay nakabalik na sa Pilipinas. Mas ibayong paghahanda ang ginawa ko. Nag ehersisyo ng bahagya, ilang araw bago kami umakyat. Kaunting-kaunti na lang ang gamit na aking dinala upang hindi maging mabigat ang aking bag. At higit sa lahat...ang hindi maaring makalimutan..ang tsokolate.

Hindi na ganoon kahirap ang aking naranasan sa pangalawang pagkakataong ito. Narating na namin ang tuktok bago mag bukang liwayway. Iba nga pala ang pakiramdam.. kaligayahang hindi kayang maipaliwanag. Nasagot ko na ang katungang bumagabag sakin.

May kasabihan akong narinig... "Kahangalan na ang umakyat ng makalawa sa Mount Fuji"...

Kaya aakyat pa ba ako sa ikatlong pagkakataon? Hindi ko sasabihing "hindi".

Thursday, August 04, 2005

Tagalog lang Po!

Isa sa maipagmamalaki nating mga Pilipino ang ating husay at galing sa wikang Inggles. Hindi ganito ang aking pananaw bago ako makalabas ng bansa dahil para sa akin ay pangkaraniwan lamang na magsalita sa paaralan at sa opisina sa ganitong wika. Pangkaraniwan rin sa atin ang manood ng telebisyon at pelikula sa wikang inggles. Maituturing na ngang pangalawang wika natin ito (may mga kilala akong ito na ang kanilang unang wika). Ito na rin marahil ang dahilan kung bakit marami sa atin ay madaling makakuha ng trabaho at makapag-aral sa iba't ibang bansa.

Isa na nga ako sa mga mapalad na makapag aral sa ibang bansa. Marami na rin akong nakilalang mga magaaral na galing rin sa iba't ibang bansa. Sa aking pagmamasid, napansin ko, at marahil marami rin sa tingin ko ang sususog sa akin, na angat ang mga Pilipino pagdating sa komunikasyong Inggles.

Halos gamit na nga natin araw araw ang salitang Inggles, lalo na kung nasa ibang bansa ka nakatira. Minsan nga ay natatapos ang aking maghapon na hindi man lamang nakapagsasalita ng Tagalog.

Ito ang aking layunin kung bakit wikang Filipino ang aking ginagamit sa blog na ito. Nais kong linangin ang aking galing sa pagsusulat sa wikang sariling atin. Nais kong balikan, kahit man lamang sa blog na ito, ang mga katagang dati kong ginagamit,na dahil sa paglipas ng panahon ay unti-unti ng naiisang tabi.

Haay! ang sarap talagang mag Tagalog...


Kaya sa blog na ito...Tagalog lang po!

Bakit ba ako nag-Blog?

Noong nagaaral pa lang ako sa elementarya at highschool, isa sa mga bagay nanahihirapan akong gawin ay ang pag akda ng "sulating pormal" at "sulating di-pormal". Nakatuwang isipin na isa itong napakapayak na gawain ngunit kapag nagsimula na akong magsulat ay parang bulang isa-isang nawawala ang mga ideya sa aking isipan. Nadala ko ang ganitong gawi hanggang sa aking pagtanda.

May isa akong kaibigan na masasabi nating kilala ng blogger sa mga panahong ito. Isa ako sa mga masugid na tagasubaybay sa kanyang mga blog. Dahil marahil sa kanyang impluwensya kaya ako naengganyang na ring mag-blog.

Matagal ko ring pinag-isipan kung sisimulan ko ito. Mayroon ba akong alam sa tamang estilo o porma ng pagsusulat? Mayroon ba akong mai-a-ambag sa ibang mambabasa? Matutugunan ko ba ng mga naayong paksa na kinakailangan ng nakakarami? Maraming katanungan.... at naisip ko.... Hindi ko masasagot ang lahat ng mga ito. Mas mainaman ng umpisahan at isabay na lang sa pag-usad ng panahon ang pagsagot sa mga katanungan.

Ang Tangi Kong Lunggati

"Ang Tangi kong Lunggati"... Marahil, marami na sa inyo ang hindi na naaalala ang mga katagang ito o maaring may ilan sa inyo ang hindi pa talaga naririnig dahil hindi na nga ito ginagamit sa ating pang araw-araw na talakayan. Mas maiintindihan siguro natin kung gagamitin natin ang mga salitang "pangarap", "mithiin", "hangarin" o "ambisyon" kapalit ng lunggati.

Bakit nga ba ito ang naisipang kong gawing pamagat ng aking "blog"? Sa kadahilanang ito ang mga katagang naghubog sa akin upang tahakin ang malubak na daan marating lamang ang aking "lunggati" sa buhay.

Narating ko na nga ba? Isang tanong na pinagninilay-nilayan ko ngayon habang sinusulat ko ito. Marami na ang nangyari sa aking buhay ... ilan na rin sa aking mga pangarap ang aking nakamit ngunit patuloy pa rin akong maglalakbay upang ipagpatuloy ang tangi kong lunggati...